Inaantok pa talaga ako pero pilit ko yung nilalabanan para naman may makausap si Kevin. Baka kasi antukin siya habang nagmamaneh...
Inaantok pa talaga ako pero pilit ko yung nilalabanan para naman may makausap si Kevin. Baka kasi antukin siya habang nagmamaneho, mahirap na.
Kung ano-ano nalang ang mapagkwentuhan namin. Pati si Doraemon, Son Goku, Sakuragi at Naruto ay nasali sa usapan. Masarap naman kausap si Kevin, hindi ka maiinip sa kanya.
Nasa 70-80 kph lang ang takbo namin. Maganda ang biyahe dahil wala pang gaanong sasakyan sa lansangan.
“Mark... ilang beses kana napunta ng Baguio?”
“Three times palang.”
“Kelan yung huli?”
“Halos tatlong taon na.”
“Sino naman kasama mo?”
“Si Mariel... nung nagrereview siya for her board exam.”
“Swerte ni Mariel sayo noh.”
“Swerte din naman ako sa kanya.”
Hindi na siya kumibo kaya minabuti ko ng baguhin nalang ang usapan.
“Ikaw ba ilang beses ka na napunta ng Baguio?” tanong ko sa kanya.
“Once.”
“Once?! Nagbibiro ka ba? Alam mo naman daan papunta dun?”
“Madali lang yun.”
“Kelan ka ba huling napunta ng Baguio?”
“Nung bata ako, mga 10 years old.”
“Ano? Baka naman sa Batanes tayo mapunta nyan.”
Nakuha pa niyang matawa sa lagay nayun.
“May map naman tayo. Binili ko sa National bookstore. Three days ko yung pinag-aralan.”
Ano kaya palagay ng Kevin nato? Parang nung unang panahon lang... parang sila Magellan at Columbus, compass at mapa lang ay makakapaglayag kana.
“Sige ikaw na bahala. Kahit saan tayo mapunta okey lang. Kahit sa South China Sea pa.”
“Ikaw naman wala ka kasing kabilib-bilib sakin eh. Basta ako bahala sayo.”
Pag tungtong namin ng Pangasinan, almost six o'clock na nun, pasikat na ang araw, dun na kami nagsimulang magtanong-tanong sa bawat mahintuan namin.
Kung kanina medyo mabilis ang biyahe ngayon mabagal na kasi panay ang tingin namin sa mga signage sa daan. Ilang beses din kami huminto para buksan ang mahiwagang mapa ni Kevin.
Hindi naman kahirapan yung daan paakyat ng Baguio kasi tuloy-tuloy lang yun. Puro national high-way lang ang babagtasin mo. After almost two hours sa wakas nakalabas narin kami ng Pangasinan.
Sa Marcos high-way na kami dumaan dahil mas safe daw dun, mas maluluwang ang mga daan.
Exactly nine o'oclock nasa Baguio na kami. Naghanap muna kami ng makakainan. Syempre sa Jollibee ulit. Ang dami naming inorder at yung iba take-out nalang. After that we decided to go to church.
Cathedral yung pangalan ng simabahan kung hindi ako nagkakamali. Yung famous church ng summer capital, malapit sa SM Baguio. Basta dun yun. Nag-research daw kasi siya ng mga lugar na pwedeng puntahan sa Baguio.
Ilang beses ulit kaming nagpahinto-hinto para magtanong. Buti nalang hindi pa kami naliligaw.
Pumasok kami sa loob ng simbahan. Sa gilid kami dumaan. Kakaunti lang ang tao sa loob kaya sa bandang dulo kami pumwesto. Magkatabi kami, tahimik lang at nagmamasid-masid.
Saglit lang kami duon at agad narin kaming umalis. Dumaan kami sa SM Baguio para bumili ng pagkain namin sa bahay. Isa pa magluluto daw sya ng adobo mamaya para sa dinner namin. Mga one hour lang ang tinagal namin duon at umalis na agad kami.
Naghanap-hanap kami ng bahay sa paligid ng Burnham Park. Mas gusto daw kasi niya ng isang buong bahay na ma-rerentahan kaysa sa hotel.
Inabutan na kami ng ulan sa paghahanap ng bahay. Sobrang lakas ng buhos ng ulan. Wala pa naman kaming dalang payong. Wala din daw nadalang jacket or kahit anong panglamig si Huget para sa amin dahil summer na summer pa naman sa Pampanga nung umalis kami.
Halos walang makita sa daan kaya nagpasya kami na pumarada muna sa isang gilid malapit sa park. Hintayin muna namin na tumila ang ulan.
Halos isang oras na simula nang bumuhos ang malakas na ulan. Hindi man lang humihina kaya nagpasya na kami na ipagpatuloy na ang paghahanap ng bahay. Laging si Kevin ang bumababa ng kotse para makahanap ng bahay.
Ilang beses din kami nagpaikot-ikot malapit sa siyudad at sa wakas may nahanap din kami. Isang malaking unit sa isang building malapit sa Burnham park. Alam ko condo units mga yun na pinarerentahan ng mga owners kapag naka-vacant yung space.
May dalawang bed room, isang banyo, may sala, may water heater at kumpleto appliances. May kamahalan ang bayad namin sa bahay na tutuluyan namin sa loob ng tatlong araw.
May savings naman daw siya at matagal niya yun pinag-ipunan kaya okey lang. Pero sa akin hindi yun okey. Nahihiya syempre ako.
“Basang basa kana. Magpalit kana agad.”
Tumango lang siya. Parang kakaiba ang kilos niya. Ako na ang naglabas ng bihisan niya para makapagpalit na agad. Inayos ko narin ang mga gamit namin para ilagay sa cabinet.
Sa isang kwarto nalang kaming dalawa tutal malaki naman ang bed. Siya naman ay diretso na sa kitchen para magluto. Tahimik lang siya gumagawa kaya nakakapanibago.
“Kevin okey ka lang?” tanong ko habang nasa kwarto at siya naman ay nasa kitchen.
“Yup. Pahinga ka muna, mamaya ready nato.” tugon niya. Iba talaga ang tono ng boses niya. Baka pagod lang siguro.
Hindi ko na namalayan na nakatulog na pala ako. Haaaaay. Ang sarap kasi matulog, ang lamig at umuulan. Malakas ang buhos ng ulan, parang hindi man lang humihina.
______________________________________________________________________________
Nagising ako dahil sa sunod-sunod na text messages at missed calls na natanggap ko. Si yaya pala, nag-aalala na sakin. Agad ko naman nireplayan para sabihin na okey lang ako. Hindi ko pa sinasabi na nasa Baguio ako at baka mas lalong magalala yun.
Eight o'clock na pala ng gabi. Apat na oras na pala akong nakatulog. “Oo nga pala nagluto si Kevin. Bakit kaya hindi nya ako ginising?” lumabas ako ng kwarto, ang lamig.
Nakabukas pa yung sliding door papuntang terrace kaya sinarado ko muna yun. Wala si Kevin sa sala, wala din sya sa kitchen. “Saan kaya nagpunta yun?”
Binuksan ko yung pangalawang kwarto, naka-off yung ilaw kaya binuksan ko. May nakatalukbong ng blanket kaya nilapitan ko. Nakatulog din siguro si Kevin. Hayaan ko muna siguro siya na magpahinga at baka napagod sa mahabang biyahe. Wala pa nga palang tulog si loko simula kagabi. Kawawa naman.
“M...a...r....k....” mahina niyang tawag kaya agad ko uli syang nilapitan. Binuksan ko ang blanket at bumungad ang isang Kevin na naka fetal position.
Nagchi-chill siya kaya agad kong sinalat ang kanyang nuo. Ang init! Sobrang init niya. Kinabahan ako sa kanya lalo na nung mapuna ko ang kanyang labi na sobrang pula.
“Mark ang ginaw...” nanginginig pati boses nya.
“Bakit hindi mo agad ako tinawag. Masama na pala pakiramdam mo.”
“Mark naman, wag mo na ako pagalitan.”
“Oo nga naman Mark. May sakit na nga ang tao tapos papagalitan mo pa.” sabi ng konsensya ko. Binalot ko ulit siya ng blanket.
“Kevin saglit lang ha. Hahanap lang ako ng gamot.” dali-dali akong bumaba ng unit para magtanong ng gamot sa mga tao sa baba. Buti nalang may nakuha akong isang paracetamol tablet bigay ng guard na nakaupo sa harap ng building.
“Kevin uminom ka ng gamot oh.” agad naman niya yun ininom. Sobrang init parin ng katawan niya.
Nung mawala na yung pagchi-chill nya, inalis ko na yung blanket na nakabalot sa kanya. Kumuha ako ng isang palanggana na may malamig na tubig at bimpo para punasan siya.
Hinawakan niya ang aking kamay na may hawak ng bimpo nang maramdaman niyang dumampi yun sa mukha niya.. “Mark wag... giniginaw ako.”
“Mataas ang lagnat mo kaya dapat bumaba agad. Baka mag-convulsion ka.” tugon ko naman.
“Basta Mark dito kalang. Wag mo ko iwan.” hawak parin niya ang kamay ko. Nangingig parin sya. Nakapikit habang nagsasalita Namumula siya lalo na ang mga labi dahil narin siguro sa init ng katawan.
“Nandito lang ako Kevin. Hindi kita iiwanan.” mas lalo pang humigpit ang hawak niya sa kamay ko.
Hinaplos ko ang buhok niya. Nahiga ako sa tabi niya. Unti-unti akong lumapit sa kanya hanggang sa maramdaman kong magkadikit na ang aming mga katawan. Sinubukan ko parin na punasan siya ng malamig na bimpo pero ayaw talaga nya.
“Kevin kapag hindi bumaba lagnat mo, dadalhin kita sa ospital.”
“No... Please... basta dito ka lang Mark.. wag mo ko iwanan..”
Niyakap ko siya ng mahigpit, sobrang higpit. Ang bilis ng tibok ng puso niya, ramdam ko yun. Kinakabahan parin ako. Nakapikit lang kasi sya, naaawa ako.
Hindi siya nakatulog kagabi at malamang ganon din sa mga nagdaang gabi para lang sa pagpaplano ng lakad nato.
Late ako ng ilang oras kaninang umaga pero naghintay parin siya, nakangiti pa ng makita ako imbes na magalit. At ngayon, nabasa siya sa ulan dahil ayaw niya na ako ang mabasa.
Nahihiya ako sa sarili ko dahil hindi ko nakikita ang mga ginagawa niya. Hindi ko man lang magawang pahalagahan yun.
“Kevin....”
“Hmmm...”
“Salamat ha?”
Hinawakan niya ulit ang kamay ko. Hindi man siya sumagot, alam kong naintindihan niya ako.
Nakapikit siya. Unti-unti ko nilapit ang mukha ko sa mukha niya. Gusto ko siya halikan pero natatakot ako.
Tinitigan ko ang maganda niyang mukha, ang mahaba niyang mga pilik mata, ang mapupula niyang labi, ang makinis niyang pisngi, ang matangos na ilong, lahat maganda... pinakiramdaman kong mabuti ang sarili ko. Pinakinggan kong mabuti ang puso ko. Nakipagusap akong mabuti sa isip ko.
Hinalikan ko siya... Hinalikan ko siya sa nuo... matagal na dumampi ang mga labi ko sa parte nayun...
“Kevin salamat.... mahal kita... pero bilang kaibigan lang talaga...”
Nakita kong unti-unting pumatak ang luha sa kanyang mata. Pinunasan ko yun agad. Unti-unti siyang bumitaw sa pagkakahawak sa aking kamay.
Nararamdaman kong inilalayo niya ang kanyang katawan sa aking pagkakayakap. Nakapikit parin siya pero pumapatak ang luha. Hindi ko namalayan na pumapatak narin pala ang aking luha. Hindi ko mapigilan. Nadadala ako sa emosyon.
“Sorry” bulong ko. Mas hinigpitan ko pa ang yakap sa kanya.
Wala akong nakuhang pagtugon mula sa kanya...
“Pinilit ko pero wala talaga... sorry...”
Tama ba ang ginagawa ko?
Hindi ko man lang inisip ang kalagayan niya. Bakit ngayon pa? Bakit?
“Ganito ba talaga yun?
Hindi ko maramdaman yung sinasabi ko... parang hindi sumasang-ayon ang puso ko.. ang bigat bigat.”