kaplogan,pinoy kaplogan,male to male kwento,kwentong malibog,kwentong kalibugan, hot pinoys planet,emil aniban,pinoy indie films,usapang astig,cute pinoy,cute pinay, OFW,KSA,chatroom,radio online,mensexret,xtube,pinoy xtube,tambayang lonely boys,pinoy radio online, usapang lalake sa lalake,bisexuals,gay,manhunt,pinoy gay blog,gay stories,top gay blog philippines, bromance,hot filipino men,extreme boys,be free forever,bear men,masseur,teaser,Philippines, pinoy gay,tambayan ng ofw,kwentong malibog gay,
Nang Lumuhod si Father (Chapter 9)
Tahimik akong pumasok sa gate. Nakayuko lang ako ngunit alam kong lahat ng mga mata ay sa akin nakatingin. Alam kong madami silang gustong itanong ngunit nanatiling tikom ang kanilang labi. Alam kong ipinasok na si Papa sa kanilang kuwarto ni Mama dahil wala na akong naririnig na mga bulyaw niya. Lasing si Papa. Hindi ko alam kung sapat ng dahilan iyon para intindihin siya sa ginawa niyang pagpapalayas sa akin. Hindi ko din alam kung kailangan ko ngang umalis pero kilala ko siya. Batas siya sa bahay na iyon. Kung may sinabi siya, lasing man o hindi, sinusunod niya.
Pumasok ako sa kuwarto ko.
Kanina lamang kahit papaano ay buo ang aking pagkatao. May sariling pamilya na alam kong matatakbuhan ko. Ngayon, lahat nawala na. Parang isang iglap, lahat naglaho kasama ni Aris. Ngunit mas mabigat ang dinadala ng puso ko. Alam kong kaya kong simulan ang pagtahak ng sarili kong buhay ngunit ang bumuo ng panibagong pangarap na hindi kasama si Aris ay sa tingin ko, isa sa mga dapat kong gawin na mahihirapan kung hindi man imposible kong magawa.
Sinimulan kong kunin lahat ang mga damit ko at inilagay sa malalaking maleta na ginagamit ko sa tuwing naglilipat kami ni tito ng kumbento. Alam kong kaya kong mawalay sa pamilya ko dahil mula pagkabata sanay naman akong hindi sila ang kasama ko. Ang masakit lang ay yung dahilan ng pagkakawalay ko sa kanila. Ang kinaiiyak ko lang ay yung alam kong galit sila sa akin dahil sa isang pagkataong hindi ko naman hiniling o kagustuhan. Ngayon ko naramdaman yung hirap kung ikaw ay alanganin at hindi ka buong tanggap ng isa sa mahal mo sa buhay. Para bang kagustuhan mong maging isang bading. Sino ba sa amin ang pinilit ang sariling maging ganito? Hindi naman ito isang pelikula lang na dahil isa akong artista ay pipilitin ko ang sarili ko sa isang karakter na hindi naman talaga ako.
Mahinang katok ang narinig ko sa pintuan. Hindi ako kumikilos. Wala akong mukhang ihaharap sa kung sinuman ang naroon sa pintuan ngunit ipinagdadasal kong sana si tito ang naroon. Kailangan ko ng makausap. Kailangan ko ng taong tutulong para sabihin kung saang landas ko hahanapin ang gulung-gulo kong buhay.
“Aris, buksan mo ito, anak. Mag-uusap tayo.” mahinang boses ni tito. Dali-dali akong tumayo at pinagbuksan siya. Nakita ko sa kaniyang mga mata ang pagkaawa sa akin. Alam kong naiintindihan niya ako. At alam kong nasa akin parin ang simpatiya niya.
“Tito, ansakit po. Bakit sabay-sabay naman kung dumating ang ganitong problema.”
“Anak tulad ng sabi ko sa iyo, ang Diyos naghihintay lang na itama mo ang mga pagkakamali mo. Ikaw ang susi ng lahat ng pagbabagong iyon. Humingi ka sa kaniya ng tulong upang mas maintindihan mo ang dahilan ng pagpasan mo ng krus ng iyong pagkatao. Lahat tayo anak ay may mga pasan na krus, nagkataon lang na mas mahirap ang pinapasan mo dahil buong pagkatao mo ang nakasalalay at maaring habang-buhay mo itong dadalhin. Doon ako humahanga sa mga katulad mo. Alam kong mahirap maging kagaya mo ngunit nagagawa ninyong dalhin ang mga pasan ninyong krus kasabay ng ilan na pasanin ang responsibilidad para sa buong pamilya at minsan pa nga pamilya ng kanilang minamahal. Karamihan sa inyo anak ay may mapagpatawad na puso, hindi makasariling pag-ibig at pusong maawain. Ngayon mo higit na kailangan ang mga ito. Patawarin mo ang papa mo at si Aris, palayain mo si Aris sa puso mo at maawa ka sa mga taong mas nangangailangan ngayon sa atensiyon at pagmamahal ng lalaking minahal mo.”
“Tito, kahit hindi niyo sabihin sa akin ay alam ko ang dahilan ni Aris. Kung hinihingi niya ang pag-unawa ko at pagpapatawad, hindi ko maipapangakong maibigay ko sa ngayon ngunit alam kong sa paglipas ng panahon.”
“Tignan mo nga niyan anak, sa gitna ng mga pinagdadaanan mo ay nakuha mo pa ding isipin ang tungkol sa inyo ni Aris. Gano’n nga yata talaga kayo magmahal. Hindi kayang daigin ng kahit sinong babae ang wagas at totoong pagmamahal ng kagaya ninyo.” Hinaplos ni tito ang balikat ka. Nakatulong iyon para maibsan ang hirap na dinadala ko.
“Anong balak mo ngayon?” pag-iiba niya ng usapan.
“Hindi ko po alam. Basta ang alam ko po, kailangan ko ng umalis dito sa bahay ngunit hindi ko alam kung saan po ako pupunta.”
“Nakalimutan mo na bang nandito ako? Di ba papa mo ako? Anak kita? Kaya huwag kang mag-alala, hindi naman kita pababayaan. Hindi naman kita itatakwil. Ihanapan kita ng matitirhan mo malapit sa university na pinapasukan mo. Pagkatapos ng graduation mo, saka kita tatanungin kung ano ang balak mo. Magtratrabaho ka na ba, magmamasteral o papasok ka sa pagpapari. Hindi kita puwedeng tanungin ngayon. Magulo ang isip mo at hindi mo pa napag-iisipan ang papasukin mo. Ang taong galit, malungkot o kahit masaya ay hindi dapat nakakapagbitiw ng isang desisyon dahil nakakaapekto ang mga malalalim na emosyong ito para mapag-isipan ng tama ang kanilang mga gagawin sa hinaharap. Ayusin mo na ang mga gamit mo at bukas ay maayos kang magpaalam sa mama, papa at mga kapatid mo.”
Hindi ako nakatulog sa gabing iyon. Hindi nawala si Aris sa isip ko. Kasabay din nito ang pag-iisip ko sa sitwasyon namin ng aking pamilya. Paano kung hindi nila ako tanggap. Sa mga katulad ko, pamilya ang pinakaimportanteng mga mahal sa buhay dahil sa kanila dapat nahahanap ang tunay na pagmamahal na minsan ay mahirap mahanap sa mga lalaking inaasam. Nandiyang iiyak ako, mapapahinga ng malalim at biglang tatayo ngunit hindi naman alam kung saan pupunta. Diyos ko! Nababaliw na ba ako?
Kinaumagahan ay nakaempake na ako ngunit hindi ko alam kung kailangan ko ng lumabas sa kuwarto ko. May kumatok sa pintuan. Hindi ko alam kung bubuksan ko o hindi. Ilang sandali pa ay narinig ko na ang boses ng kumakatok sa pintuan.
“Anak, buksan mo ito, mag-usap muna tayo?” si Mama.
Sandaling nag-isip. Hindi ko alam kung paano ko siya haharapin lalo pa’t naiiyak na naman ako. Bakit ba kasi ambabaw ng luha ko?
Pagbukas ko ay niyakap niya ako. Nakatingin siya sa akin. Hininhintay ko siyang magsalita.
“Kumusta ang pakiramdam mo, anak.”
Gusto kong sagutin siya ngunit nang tumulo ang aking luha ay parang iyon palang ay alam na niyang mabigat ang dinadala ko. Ikinulong niya ako sa kaniyang dibdib at doon ay iniluha ko ang bigat ng aking dibdib.
“Sa’n ka titira ngayon?” malayo ang sinabi niya sa iniisip ko. Hindi pala niya ako pipigilan.
“Hindi po ako pababayaan ni tito, ‘Ma.”
“Pasensiya ka na anak. Nabigla lang ang Papa mo dahil ngayon lang nagkaganito ang pamilya natin at sa mismong anak pa niya. Balang araw, matatanggap ka din niya.”
“Hindi kayo galit sa akin Ma?”
“Hindi ka pa umaamin, alam ko nang ganyan ka. Hinihintay ko lang na ikaw mismo ang magtapat. Anak kita, galing ka sa akin kaya malakas ang kutob kong ganiyan ka ngunit may mga gabing nagdadasal ako na sana nagkamali ako ng hinala sa pagkatao mo. May nabasa akong sulat ni Aris sa iyo noong nasa probinsiya kayo. Yung sulat niya nang iniwan ka niya na hindi nagpaalam sa iyo. Hindi ko na noon natapos basahin ngunit mas pinili kong solohin ang pagkabigla kahit ilang beses kong tinangkang kausapin ka.”
“Matagal na pala ninyong alam ang tungkol sa amin ni Aris Ma? Pa’no ninyo nagawang pakialaman ang mga personal kong sulat at mga gamit?”
“Hindi ko sinasadya anak. Inaayos ko noon ang mga bagahe mo nang umuwi ka dito. Nasama sa mga madudumi mong damit na ipalalaba ko sana. Hindi ko na tinapos basahin pero hindi ko na nakalimutan ang pangalan ni Aris.”
“Ibig sabihin pala, noong pumunta siya dito ay alam na ninyo kung sino siya sa buhay ko? Bakit parang hindi niyo matandaan ang pangalan niya noong dumating ako galing probinsiya para magbakasyon kay tito.”
“Ayaw ko sanang magpahalata sa iyo. Nang pumunta si Aris dito, kinausap ko siya. Ngunit pinakiusapan ko si Aris na magiging lihim lang naming dalawa ang pagtatanong ko sa kaniya at ang pagtatapat niya sa akin. Hindi siya umamin noong una ngunit nang sinabi kong alam ko at nabasa ko ang sulat niya sa iyo ay hindi na siya nagsinungaling pa. Hindi niya maidiretsong tignan ako ngunit inintindi ko kahit mahirap tanggapin na bakla ang panganay ko at nasa harap ko noon ang lalaking kinalolokohan niya. Alam ko na noon na tagilid na ang pangarap naming pagpapari mo ngunit umaasa pa din ako na madadaan ko sa mabuting pakiusap kay Aris. Pasensiya ka na anak.”
“Pasensiya? Saan ‘Ma?”
Nagkaroon na ako ng hinala kung bakit hindi nagpakita si Aris mula noon. Ngunit gusto kong marinig mismo kay Mama kung ano ang ipinakiusap niya.
“Ako ang dahilan kung bakit hindi na siya muling nagpakita sa’yo. Hiniling ko na sana patapusin ka muna niya sa kinukuha mong kurso. Na sana kahit tatlong taon lang muna siyang lumayo sa iyo para hindi ka lalong maguluhan. Sinabi ko sa kaniyang mga bata pa kayo. Kung mahal ka talaga niya, kailangan ninyo munang harapin ang mga mas una ninyong dapat harapin kasi nakikita ko sa iyong masyado mong naitutuon ang utak at puso mo sa kaniya. Kaya alam kong ang panadalian niyang pagdistansiya sa iyo ay makakatulong para mas maituon mo ang iyong isip sa pag-aaral mo.”
“Pumayag siya?” naguguluhan kong tanong.
“Hindi nang una. Kaso sabi ko, ina akong nakikiusap sa kaniya. Gusto ko lang makita ang anak kong magiging maayos ang buhay bago papasok sa relasyong hindi ko alam kung saan ka nito dadalhin dahil alam kong alam mo na sa lipunan natin, hindi pa iyan lubusang tinatanggap. Mabuti at iginalang niya at sinunod ang gusto ko.”
“Sobrang hirap nu’n Ma. Alam ba ninyo iyon? Ni hindi ko alam kung paano ko siya makausap o lagi ako nag-iisip sa kalagayan niya. Kayo pala ang dahilan kung bakit lumayo muna siya sa akin.”
“Akala ko sa paraang ganoon ay makakalimutan mo siya at mas maituon mo ang isip at puso mo sa paglilingkod sa Diyos. Hindi ko alam na sa mga panahong hindi mo siya nakakausap at nakikita ay mas pinasidhi nito ang kagustuhan mong mahalin siya. Hindi ko kayang nakikita kang nasasaktan ng ganiyan.” Namuo ang luha ni mama.
Nanatili akong nakatingin sa kaniya. Hindi ako nagsalita. Pinilit kong intindihin na gusto lang ni mama na maging maayos ang buhay ko.
“Mahal ka niya anak. Ramdam ko iyon. Kaya nagiging panatag akong tanggapin na mahalin ka niya dahil ramdam ko ang sinseridad niya. Ngunit nang malaman ko na nag-asawa siya, gusto kong damayan ka, hinintay kong buksan mo ang loob mo sa akin ngunit hindi mo ginawa. Pero lahat anak, naiintindihan ko. Gusto ko lang malaman anak kung ano ang plano mo ngayong may asawa na si Aris?”
“Balak kong ituloy ang pangarap ninyo ni Papa sa akin.” Walang kagatol-gatol kong sagot. “Balak ko hong pumasok sa seminary. Gusto kong magpari.”
“Suportado kita anak kung alin ang gusto mong gawin sa buhay mo. Lagi mo lang tandaan na nandito ako lagi. Hayaan mo, palalambutin ko ang puso ng Papa mo. Unti-untiin kong ipasok sa utak niya ang pagtanggap sa katulad mo.”
“Salamat Ma.” Muling dumaloy ang luha ko. Lumapit siya sa akin. Mainit at puno ng pagmamahal ang yakap niya sa akin. Hinaplos niya ang likod ko. Tulad ng ginagawa niya kapag may nararamdaman akong sakit noong bata ako. Ilang haplos lang, mawawala na yung sakit ko dati. Hinihipan lang niya ang dulo ng daliri ko, parang magic, nawawala ang sakit ngunit ngayon alam kong kahit ilang buwan niyang haplusin ako, kahit gaano pa katagal niyang ihipan ang sugat na likha ni Aris ay mananatili ang sakit ng kahapon.
Hindi ko nakita si papa nang umalis ako ngunit nakakaluwag ng loob ang ginawa ni Mama at ng mga kapatid ko. Noon ko naramdaman ang tunay na pagtanggap. Noon ko napagtanto na ang hindi nawawala sa buhay ng isang alanganin ay ang pagmamahal ng isang pamilya. Sana matatanggap din ako ni papa. Sana maipagmalaki din niya ako kahit sabihing binigyan ko siya ng kahihiyan. Hindi naman talaga kahihiyan ang pagkatao ko, ang nakahihiya ay ang ginawa ko. Hindi ko kasalanan ang pagiging bakla ko, ang alam kong naging kasalanan ko lang ay ang pagkakalat ko sa harap ng aming mga bisita. Kaya naiintindihan ko kung nagalit si papa. Pinaglihiman siya’t hindi iginalang sa harap ng kaniyang mga bisita.
Matuling lumipas ang ilang araw. Naroon pa din ang sakit ng nangyari sa amin ni Aris ngunit matiyaga akong naghihintay na tuluyan nang maging pilat ang sugat sa pagdaan ng panahon. Ayaw kong madaliin ang paglimot. Ayaw ko din namang takasan ang sakit dahil sa mga nararamdaman kong sakit ngayon ay pinatitibay niya ang buo kong pagkatao. Alam kong sa mga sandaling bigo ako at nasasaktan ay may mga aral akong matututunan. Doon ako humuhugot ng lakas.
Hanggang sa dumating ang araw ng aking pagtatapos. Dumating si Mama at mga kapatid ko. Ngunit wala si Papa. Naroon din si tito at kahit kulang ang aking pamilya ay sinikap kong intindihin ang lahat. Palabas na kami noon nang mapansin ko si Angeli. Ang asawa ni Aris. Ang babaeng umagaw sa pangarap ko. Sa unang tingin palang ay alam mong maysakit siya. Hindi na iyon kayang itago ng kaniyang magarang suot at mamahaling make-up. Nakangiti siya sa akin. Iiwas sana ako ngunit mabilis niyang hinawakan ang palad ko.
Nilingon ko siya. Nakita ko ang nakakaawa niyang mukha. Mukhang nakikiusap. Mukhang madaming gustong sabihin.
“Bigyan mo sana ako ng sandaling makausap ka.”
“Para ano pa? Kasal na kayo ni Aris. Hindi pa ba sapat iyon? Nakikiusap ako, patahimikin niyo na ang buhay ko. At ano ang ipinunta mo dito? Kausapin akong tigilan ko kayo? Kausapin mo ako para layuan ang asawa mo?”
“Hindi, Rhon. Gusto ko nga magkaayos sana kayo. Nahihirapan siya? Nahihirapan din ako.”
“Ahh, gusto mo naman ngayon, tatlo magkasalo!” gusto ko siyang inisin para tuluyan na siyang lumayo. Sa paraang ganoon kasi ay alam kong mas matatanggap niya ang katotohanang ako na ang kusang lumayo sa kanila.
“Di ba edukado ka na? Di ba dapat marunong kang rumespeto kung taong nakikipag-usap sa iyo ang tao.”
“Oo, edukado ako. Ngunit lahat ng edukado ay tao. Sinaktan ninyo ako kaya natural na ganito ang trato ko sa inyo. Paggalang ba gusto mo? Tanungin mo ang asawa mo kung mayroon siya no’n. Importante sa tao ay ang may paggalang siyang tuparin sa mga binibitiwan niyang pangako.”
“Alam ko lahat iyon. Kaya nga ako naparito para sabihin sa iyo lahat.”
“Tigilan niyo na ako. Nagmamadali ako. Kita mo pamilya ko? Hinihintay nila ako.”
“Maysakit ako Rhon at hindi ko na alam kung magtatagal pa ang buhay ko.”
Alam ko na dati pa iyon. At iyon ang iniiwasan kong marinig mula kay Aris at kay tito. Ngunit mas nanaig sa akin ang kagustuhang kong harapin ang buhay ko. Pakiramdam ko nakalayo-layo na ako sa sakit. Nakapag-ipon na ako ng tamang lakas para ituloy ang buhay ko na hindi na kasama si Aris. Buo na ang desisyon ko. Ilang gabing umiyak ako at ayaw ko nang bumalik pa sa ganoong kalagayan. Natuto na akong ngumiti at mangarap para sa sarili ko. Ngayon ko lang naranasang mangarap na hindi na kasama si Aris. Sa sinabi niyang iyon ay wala akong maisip isagot. Ano naman ang sasabihin ko? “ayy kaya pala ganoon ang ginawa ninyo”, “nakakaawa ka namana pala, malapit ka ng mamatay?” o kaya “Huwag kang mag-alala naiintidnihan ko at hihintayin ko na lamang na mamatay ka para maging kami na ni Aris sa huli.” Nasaan ang kinaganda ng sagot ko kung sasagutin ko siya. Pinili kong manahimik.
“Rhon, buntis ako. Sana pagdating ng araw matatanggap mong anak namin ni Aris.” Pagpapatuloy niya.
“Then, you deserve Aris. Angeli, hindi ako bobo, hindi ako tanga. Pinakasalan ka ng taong mahal ko dahil may taning na ang buhay mo o kaya ay gusto mong maging masaya bago mamatay. Kahit ano pa ang rason ninyo, gusto kong maging fair sa inyo. Hindi lang kasal-kasalan ang nangyari. Nagsumpaan kayo sa harap ng Diyos at sa mata ng tao at batas, kayo ang legal na mag-asawa. Nasaan ang papel ko doon sa inyo. Wala! Kaya sana gusto kong maging fair sa iyo na kung sakali mang kinasal kayo dahil may sakit ka at hindi ka na magtatagal, you deserve Aris attention more than mine. Ayaw kong maging unfair sa iyo na nagpakasal ka doon sa tao pero may iba pang sumisingit sa inyo. Kung sandali na lang ang buhay mo, siguro you deserve much of his attention at ayaw ko nang makihati pa doon. Kahit hindi sabihin ni Aris ang gusto niyang tumbukin, kahit hindi mo sa akin ipaliwanag. Hindi ako tanga. Ngayon, hindi dahil hindi ko binibigyan si Aris na magpaliwanag ay hindi na ako marunong makinig. Mas maraming naririnig ang puso ko kaysa sa tainga ko. Masakit para sa aking agawan ng kaligayahan ang taong kagaya mo. Mas masakit sa aking nakikitang sa sandaling panahon na nabubuhay ka ay narito pa akong nakikipag-agawan sa atensiyon na dapat para buong sa iyo. Tungkol diyan sa dinadala mo. Congratulations. Mas lalo na ako ngayon may dahilang bigyan kayo ng kalayaan. Diyos ang may karapatang tumaning ng buhay. Dasal ko na sana kung anuman ang karamdaman mo ay tuluyan nang gumaling para mas hahaba pa ang pagkakataong makasama mo ang anak mo at ng lalaking kaisa-isa kong minahal.”
“Patawarin mo ako Rhon. Ako ang may kagustuhan nito”
“Angeli, hindi mo kayang gumawa ng bata na ikaw lang. Hindi ka puwedeng ikasal na solo mo lang. Huwag mong sabihing ikaw lang ang may gusto ng lahat ng nangyaring ito. Alam ko kagustuhan din ni Aris ito at dahil ikinasal na kayo, siguro naman hayaan niyo na muna ding manahimik ang buhay ko. Pakisabi sa asawa mo na hindi ako nakinig sa paliwanag niya dahil nakikita pa lang kita alam ko na marami kang sakit na pinagdadaanan at ayaw kong marinig sa kaniya na dahil lang sa awa at dahil malapit ka ng mamatay ay nagawa niya ang pagpapakasal sa iyo. Tao ka Angeli. Mas higit mong kailangan ang kaniyang pagmamahal kaysa sa akin!”
“Paano si Aris.”
“Pinasok niya ito kaya tiwala akong kaya niyang lagpasan. Ingatan mo ang kalusugan mo at ng batang dinadala mo.”
“We’re sorry, Rhon.”Nangilid ang luha sa kaniyang mga mata.
“Napatawad ko na kayo. Masakit lang ang nangyari sa akin. Ano nga ba naman kasi ang laban ko sa’yo. Buntis ka, pinakasalan ka niya. Ang pinagtataka ko lang, bakit pa ako gustong isali ni Aris sa buhay ninyo. Gusto kong ibuhos na lang niya ang pagmamahal niya at panahon sa iyo. At hindi Diyos ang doctor para sabihin kung hanggang kailan na lang ang buhay mo. Sana madugtungan, magkaroon ng himala galing sa taas.”
“Iwan ko lang itong regalo ni Aris sa iyo. Sana basahin mo ang sulat na laman niyan para maintindihan mo lahat.”
“Sorry hindi ko na matatanggap ang kahit anong galing sa kaniya. Ibalik mo na lang sa kaniya yan at nakikiusap ako! Tigilan na niya ako. Kung anuman ang napag-usapan natin ngayon, sana sa’yo na lang. Sabihin na niyang mababaw ako, hindi marunong makinig ngunit sana maintindihan niya na kahit hindi ko na sabihin pa ay hindi ko kayang makipag-agawan ng atensiyon sa isang asawa na mas may karapatan na sa kaniya. Hindi ko masikmurang naghihintay na magiging single siya na para bang hinihintay ko o minamadali ko ang iyong kamatayan para lang muli siyang makuha sa iyo. Hindi ako pinalaki ni tito na ganu’n at lalong hindi ko kayang maging makasarili dahil lang sa nagmamahal ako.”
“May magagawa pa ba ako para hindi mo lang siya iwan o kalimutan? May magagawa ba ako para magbago ang desisyon mong magpari?”
“Isa lang, Angeli. Iyon ay ang pagbibigay na muna niya ng katahimikan sa akin. Tungkol sa pagpapari ko, mali na kung mali ngunit ito lang ang alam kong pinakamabisang paraan para tuluyang makalimot at sana sa gagawin kong ito ay matakasan ko ang maling nararamdaman ko sa kapwa ko lalaki. Sana makatulong sa akin ang gagawin kong ito para mailayo ako sa tawag ng makamundong laman. Ngunit kung hindi man nito kayang baguhin ang aking pagkatao, alam ko sa puso ko na sinikap kong magbago, na ginawa ko ang lahat para tuluyang mabura ang pagiging alanganin ko.”
Tumingin siya sa akin. Alam kong nanlulumo siya. Alam kong nabigo siya sa gusto niyang pag-aayos namin ng asawa niya ngunit sa sandaling iyon ay alam kong kailangan kong tumahak ng tamang daan para sa pagbabago. Ngunit gusto iyon ng utak ko. Gusto kong pairalin ang sinisigaw ng aking utak kaysa sa kagustuhan ng aking puso. Hindi ko lang alam kung kakayanin bang gapiin ng utak ang tunay na nararamdaman ko. Walang kasiguraduhang tuluyang maiayos ng pagpapari ko ang pagiging alanganin ko ngunit gusto kong sumugal. Gusto kong isiping kakayanin ko. Ngunit sa sulok ng aking puso may sandaling pinanghihinaan ako.
“Sana palagi kayong masaya ni Aris. Sana magiging malusog ang isisilang mong sanggol. Paalam Angeli. Mag-ingat ka”
Hinawakan ko ang kamay niya. Pinisil ko iyon at nakita ko ang mabilis na pagbagtas ng kaniyang mga luha. Mabilis akong naglakad palayo doon. Muling nangilid ang luha sa aking mga mata ngunit hindi na… tama na…hindi na ako muling iiyak sa lalaki. Hinding-hindi ko na iiyakan si Aris pa.
ABANGAN..